September 11, 2006

ano ba 'to, saging ulit?

late ako, unang araw pa man din. marami na s’yang nasulat sa board. naku, ano kayang na-miss ko? kainis naman, ayaw na ayaw ko pa namang nale-late. lalo na rito sa bansang de-numero ang bawat kilos at ginto ang bawat minuto. ang ‘just in-time’ ay limang minuto bago ang takdang oras. dalawampung minuto na s’yang nagtatatalak. mabuti na lang at tinawagan ako ng kaklase. karaniwan kasi 10:40 nagsisimula ang intensive course. ngayon, alas nuwebe pala, alas nuwebe ko na ring nalaman. だめ だ ね。

palagi s’yang nakatawa, hindi nagbabago ang expression ng mukha. para akong nanonood ng Noh play. tipikal na hapon, hindi mo mababasa kung ano’ng nasasaloob. binabati ka ng ngiti, akala mo parating nasa langit. (kinikimkim ang saloobin.)

hindi s’ya tumitingin sa akin, parang tatatlong lalaki lang ang estudyante n’ya. lumulutang ako kasama ng isa pang babaeng hapong sa di ko maipaliwanag na dahilan ay nagka-interes sa kurso sa ingles sa policy science. (mabanggit ko lang, dito ko lang naramdamang ‘babae’ ako.) karaniwan ng english courses sa departamento ko, mga JDS lang ang kumukuha at mangilan-ngilang foreigners.

inaantok ako sa klase n’ya. nanghihinayang ako sa oras at mas maalwang matulog sa sa apato. para kaming mga batang kinakausap n’ya. mas nag-eenjoy pa ko sa mga anecdotes nina JPE at ni Miriam sa commitee hearings ng dati kong boss.

hahaha, tuloy, naalala ko si victor corpus at mike defensor- gyera patani sila ni jamby palagi. at si senator na anak ni nardong putik na parang nagbabasa ng script ng pelikula kapag nagdedeliver ng speech sa session hall tungkol sa flash flood/landslide sa quezon. (suspetsa ko kaklase ko ang nagsulat no’n, haha. sana hindi n’ya to mabasa. lagot ako :P) bentang benta sa ‘kin ang eksena nilang ‘yon, kahit ilang beses ko nang nire-replay sa isip ko. Walang palya, palagi pa rin ako nitong napapasaya.

Ayos! matapos ang apat na oras, nakuha na n’ya ang atensyon ko. pwede na akong makinig. hindi na ‘to prente ng pagiging iskolar-kuno. tama na ang pag-aaliw sa sarili sa pamamagitan ng pagsusulat ng kung anu-anong masa-isip.

kyoto protocol. nuclear power. incinerator. bira s’ya nang bira kanina tungkol sa smokey mountain at payatas. ‘’do you know, do you know’’ ka d’yan. はい、しりました よ。それから。。。(oo na, alam ko na ‘yan. tapos…) so, ano’ng bago? hahaha. feeling-era ako.

Hala sige, ibandera natin ang mala-paraisong Nihon Sankei habang nakatuntong sa bundok ng basura. (nanggaling ako sa ama no hashidate kahapon. :P oops, mali. OT. eniwey…) Para namang hindi sila ro’n nanggaling. Ano ba ang hitsura ng bansang ‘to no’ng 1970s? (eh, positibo palang mula sa karimarimarim na polusyon e nalinis nila ang japon. Fine.)

Ah, binanggit n’ya, huwag tularan ang japan. Sabi n’ya, tamang ilagay sa konteksto ang paghusga ng environmental condition ng bawat bansa. Ang pilipinas, maraming problema. Political, economic, social, lahat na yata. Hindi nangunguna ang environment dahil maraming mas krusyal na usaping kailangang tugunan. Ngunit hindi ito sumasalamin sa hindi pagbibigay ng sapat na atensyon dito. Hindi rin yon na ngangahulugang malinis ang maynila at sustainable ang tinatahak nitong landas.

Tama naman. ‘yun nga, ang japan no’ng 1970s ay hindi rin kaiga-igaya. Kaya nga ang konsepto nila sa development (kaihatsu) ay negatibo. Natamo nila ang kaunlaran ngunit nalugmok naman sa kasiraan ang kapaligiran. Kaya nga: huwag tularan ang japan. Merong tinatawag na- sustainable development.

‘yun naman pala. May mga punto tayong mapagkakaisahan. Pero bumawi na lang siya.

Hindi naman inutil ang kaharap n’ya. Hindi marumi ang pinas dahil hindi alam ng mga Pilipino ang mga konseptong binabanggit niya. Kumplikado ang problema. At hindi nakakatawa ang smokey mountain at payatas.

Pilipinas kong mahal. Ni hindi ko maipagtanggol ang kapitolyo mo nang mabanggit ni tomomi san (‘yung kabaro kong hapon) na bumisita sa pinas ang kaibigan n’ya no’ng 2004, na-hold up at umuwing walang pera.

Wala akong masabi kundi may mga lugar talagang medyo delikadong puntahan. Ba naman, e kahit ako’y kinakabahang maglakad sa avenida, recto at divisoria. Sa pasay-rotonda, quezon avenue, yung intersection ng shaw boulevard at EDSA. Naku po, pakiramdam ko’y palaging may sumusunod sa akin, nakaambang panganib. Kaya mabilis akong maglakad sa mga lugar na ‘yon. At hangga’t maiiwasan, hindi ko pinupuntahan.

Pero pinoy ako. Tumatagos ang bawat buntal. ngunit hindi ako maglulupasay. Responsibilidad ko ang bansa ko. Sino pa bang magmamalasakit sa pilipinas kundi ang kanyang mga anak? Pero por dios, tama na’ng pang-aalipusta.

[Hindi pa ba kayang makuntento sa pagsasalamantala? May hambilas pa?]

Hintay lang, busy pa ang mga diyos sa kanilang palabas.

Samantalang nag-aarmas ang kabataan.

No comments: