
Ipod. Cellphone. Libro. Dyaryo.
“Makikinig na lang ako sa Coldplay,” bulong ni ate, matapos ang ilang minutong pagtatangkang mag-aral ng Basic Nihongo sa Japanese 101 Podcast. Nahihiya na nga ako’t ang ingay-ingay n’yang mag-practice ng jiko shokai. Pino-pronounce n’ya ang "hajimemashite" ng “hashamamashite.” Hehe. Ang mga katabi naming sarari man, mabuti na lang at hindi masyadong napapangisi.
Bakit ba ako hindi nagdala ng kahit anong mababasa? Nang hindi naman masayang ang oras ko sa kung anu-anong mga walang saysay na pag-iisip. Paulit-ulit.
Apatnapung minuto ang byahe mula Umeda hanggang Saiin. Pinalampas na namin ang naunang rapid train dahil wala nang maupuan at ayokong tumayo nang gano’n katagal. Masakit na ang paa ko sa kakalakad suot ang boots kong 2 ½ inches ang takong.
Hay, salamat at makakapagpahinga na rin. Magba-bus na kami pagbaba rito sa tren. Hindi na kami maghihingal-kabayo sa pagba-bike mula Nishioji-Shijo hanggang sa may Myoshinji Temple. Tatlumpung minuto 'yon. Si ate pa naman, hindi masyadong sanay magbisekleta lalo na kapag medyo pataas ang kalsada. Haha, bumababa ‘yon at kinakaladkad ang bike. Hehehe.
Isang linggo na sya rito at sa Kyoto at Osaka pa lang kami nakakapag-gala. Next week magmu-movie land kami at USJ. Sa susunod na linggo na kami magto-Tokyo. Ang turista kong kapatid, kay gastos!
Pero nakakatuwa rin- para akong walang klase. Alas-otso ng gabi nasa Starbucks kami sa Hommachi. Good luck talaga sa akin. Lagalag ever. Sana hindi ako magisa sa RP kapag pinag-present ako.
Hmm… ang aming bunso- sana nakaka-angkop. Araw na ng mga patay bukas. Family affair pa naman para sa amin ‘yon. Noong isang taon, absent ako sa puntod. Ngayon taon, wala rin ang panganay.
No comments:
Post a Comment