Tinawagan ko ang srty sis ko kagabi.
Naghahanap ng ibang mapagbabalingan ng pansin.
Ramdam ko ang pagka-aligaga ni Jna dahil sa pagka-ospital ng ina. Dinaanan din namin ‘yan. ‘Yun nga lang, mukhang mag-isa siyang nag-aasikaso sa magulang. Hindi tulad sa kaso ko noon na nariyan ang panganay at may kinakalingang bunsong nagbibigay-lakas.
Ulila na siya sa ama at ang ibang kapatid naman (hindi ko alam kung ilan) ay may asawa na. Bagamat may trabaho siya’y hindi naman sapat sa gastusin nila- pambayad sa ospital, gamot at pagkain.
Karaniwang kuwento, kung tutuusin. Subalit iba ang kirot sa akin sapagkat pinagdaanan ko ang gayong kalagayan.
Hindi hugot sa ere ang istorya. Iba ang pakiramdam ng nakakarinig na may tulad na karanasan.
Parang sinasariwa ang bawat eksena ng nakalipas. Bumabalik ang lahat ng karakter. Mga pinakiusapa’t, iniyakan. Mga nagkibit-balikat, umismid, nagtaas-kilay, nagbingi-bingihan, nangutya, sumimangot.
Mga sininghalan, kinapootan at binaon sa limot.
Mga nakasama’t nakiramay. Nakihati sa lungkot. Mga patuloy na tumangkilik at naniwala. Mga nakahawak-kamay. Mga umakay. Mga tumulong. Naging katuwang; kapatid; pangalawa, pangatlo, pang-apat na magulang.
Lumawak ang pamilya.
“Kumusta ka? Ano na’ng nangyari? Kailan pa ba ‘yan? Bakit umabot sa ganito, ganiyan?”
“Lumapit ka kay ano, natulungan niya kami noon. Pumunta ka rito. Gawin mo ‘yan. Ito lang ang kaya ko, pasensiya na.”
Unang sabak sa bugso ng buhay. Nakinig sa aral ng may karanasang ngayo’y siya kong ibinabahagi.
Ang atas: ang nakinabang ang siya namang magbigay.
Pagkababa ko ng telepono kagabi’y anim na oras na lang ang itinagal ng kanyang ina. Hindi ko siya muling matawagan.
Hindi ako maalam umampat ng pighati.
[Subalit nakikisalo ako sa panalangin.]
No comments:
Post a Comment