May 06, 2011

Si Ate Judith

…ang isa sa pinaka-una kong naging kaibigan sa opisina. Siya ang masipag na appointment secretary ng kaibigan kong noo’y kongresista. Kapatid siya ng chief-of-staff ng asawa ng kaibigan ko. Bunso sa apat at nag-iisang babae.

Walang pag-aalangang close sila ni Doc. Kung asawa ang sumundo kasama ang kanilang bunsong anak na noo’y grade 4 lang (dahil hindi ito makatulog nang hindi katabi si ate Judith), si Doc ang kakaon sa kanya: mula sa Senate, pupunta ito ng Taguig para sabay na silang umuwi ng kapatid sa bahay nila sa Pateros. Kadalasan, may bitbit pang isang bilaong pansit si doc- lambing ni Ate Judith na ipapakain naman sa mga staff sa Taguig. Maghahapunan na sila sa opisina bago umuwi.

Mapag-bigay si Ate Judith. Nagulat ako nang malaman kong gagasino lang ang sinusweldo nito. Malaki pang di hamak ang sa akin. Pero walang pag-iimbot ito sa pag-treat sa mga kasamahan. Iniisip kong baka nag-aabono pa si Ate Judith dahil sa dalas n’yang manlibre. Kulang pa ang sweldo sa pagpapakain niya. Naaawa raw kasi siya sa mga staff na sobrang sipag sa trabaho at halos doble sa karaniwang oras ang ipinagta-trabaho: papasok ng alas nwebe ng umaga at uuwi nang alas nwebe na rin o alas-diyes ng gabi. Ganoon ang sitwasyon araw-araw. Kahit sabado o lingo- noong panahon ng eleksyon.

Nabasa ko sa cp ng isa n’yang malapit na kaibigan ang message ni Ate Judith nang minsang tanungin s’ya kung bakit gano’n s’ya kabait. Ang gyst ng text: dahil darating daw ang araw at magiging boss din sila, gusto ni Ate Judith na kapag dumating ang araw na iyon, maging mabait at mapagbigay rin sila sa mga katrabaho nila. Kasiyahan na rin niya ang magbigay at magpakain. Kapag nakikita raw niyang masayang uuwi ang mga kasama n’ya at busog, parang napapawi ang buong araw na hirap ng trabaho. Iyon na rin ang kanyang reward. Gusto rin n’yang mahalin ng mga kasama niya ang kanilang trabaho gaya ng pagpagmamahal at pagpapahalaga niya sa trabaho n’ya, gaano man kaliit ang sweldo.

Simula noong Holy Week ay hindi na siya pumasok sa city hall. Medyo maselan raw ang kanyang pagbubuntis kaya pinapagpahinga. Kabuwanan na niya.

Noong isang gabi, nagulat ako sa ibinalita sa akin. Wala na si Ate Judith.

Nag-CR lang daw. Siguro’y doon na inatake. Hindi na niya nailuwal si Julia Althea. Idineklara siyang dead-on-arrival sa Medical City.

Isa na namang anghel kasama ang kanyang supling ang lumisan.

R.I.P. Ate Judith. Mahal ka namin.

No comments: